Si Mama
Mugto ang aking mga mata paggising ko kaninang umaga. Umiyak ako kagabi. Hindi ako pinaiyak ng asawa ko. Siya man ay nagtaka sa aking itsura. Naalala ko lang si Mama. Ang totoo minsan pag naiisip ko si Mama ay napapaiyak ako. Ewan ko ba. Bumabalik kasi sa alaala ko ang mga panahon noong bata pa ako kasama siya. Laging bumabalik sa isip ko ang eksena na kung saan kasama ko siya sa pantalan dahil babalik na naman siya ng Maynila. Umiiyak ako dahil ayoko siyang umalis. Bibigyan niya ako ng barya, singkwenta sentimos o piso sa akala na maibsan ng pera ang hinagpis ko. Hindi ako umaalis sa pantalan hanggat hindi tutulak ang barko lulan si Mama.
Uuwi ako mag-isa para lang marinig ang katahimikan sa bahay at maramdaman ang kawalan ni Mama. Wala na ang tunog ng makina tuwing nananahi siya ng damit. Wala na ang boses na tumatawag sa akin tuwing kailangan niya ako. Wala na ang kalansing ng mga gamit sa kusina tuwing siya'y nagluluto. Wala na rin ang nag-iisa nyang sapatos na lagi kong nakikita sa labas ng pintuan tanda na nasa bahay lang siya.
Nakikita ko ang kama na kung saan katabi ko siya matulog sa gabi. Ang hapag kainan na kung saan kasalo ko siya sa pagkain. Ang mga damit na tinahi niya para sa akin. Ang medyas na sinusuot niya sa mga paa ko tuwing malamig ang gabi. Ang bintana na kung saan isang gabi na walang kuryente at maliwanag ang buwan, doon siya naka-upo at umaawit para sa kanyang May Likha.
Lahat sa paligid ko nagpapa-alala sa akin kay Mama. Ilang araw akong namamalagi sa bahay kahit ako'y mag-isa na. Susunduin ako ni Tatay para bumalik na sa bahay namin sa bayan pero nagpapaiwan ako. Hanggang sa makaramdam na ako ng gutom. Wala si Mama, wala ring pagkain. Mabigat ang mga paa ko na uuwi sa Tatay ko. Kung bakit kasi sandali lang kung mamalagi si Mama sa probinsya namin.
Si Mama ay lola ko. Sabi niya siya ang nag-aruga sa akin nung ako'y sanggol hanggang sa ilagak niya ako sa kamay ng isa kong tiyahin. Sa edad na walo nasa pangangalaga naman ako ng aking ama na may sarili nang pamilya. Dahil musmos wala akong magawa kundi sumunod sa daloy ng buhay. Naging masaya naman ako sa piling ni tatay kasama ang kaniyang pamilya.
Ngunit hindi nawala ang pangugulila ko kay Mama na tinuring kong ina. Tuwing nababalitaan kong darating siya galing Maynila, andun na agad ako sa bahay niya at naghihintay. Minsan nakakatulugan ko ang paghihintay sa kanya. At sa sandaling marinig ko ang paghinto ng pedicab at ang boses niya, balikwas na agad ako. Dumating na si Mama. Walang mapaglagyan ang labis kong tuwa.
Sa buong panahon ng pamamalagi ni Mama sa probinsya ay nagmistula akong anino niya. Hindi sang-ayon si Tatay dahil kailangan ko raw tumulong sa tindahan. Pero wala silang magawa. Hindi nila ako napapaalis sa piling ng Mama ko. Malamang naintindihan rin nila at pinagbigyan na lang ako dahil alam nila hindi siya magtatagal. Babalik na naman siya ng Maynila.
At sadya nga naman, ang bilis ng panahon. Heto't nababalitaan ko na nakatakda na naman na iwanan niya ako. Maswerte ako kung ang bakasyon ni Mama ay tumatagal ng dalawang buwan dahil minsan ilang linggo lang ang inilalagi niya. Masakit marinig na nakabili na siya ng tiket at makita siyang abala sa pag impake. At ang pinakakatakutan ko, ang oras ng pag-alis niya. Yakap ko siya ng mahigpit. Pinipigilan ang kanyang hakbang. Luha ko ay walang tigil sa pagdaloy. Sabi ni Mama panahon na daw na bumalik ako sa Tatay ko.
Hindi ko maintindihan bakit laging ganon. Pero wala akong magawa. Aalis siya. Mag-isa uli ako. Babalik ako sa Tatay ko. Labis akong mangungulila sa Mama ko. Sa gabi ay pupunta ako sa may dagat o di kaya'y babalik ako sa pantalan. Tinatanaw ko ang mga barko sa laot at nananaginip na isa sa kanila ay dadaong para siya'y ibalik sa akin. Hanggang sa ako'y mapagod at tuluyan nang tanggapin ang katotohanan. Kailangan ko lang na maghintay sa muli niyang pagbalik. Kung kela'y di ko alam.
-
4 Comments:
At July 24, 2007 2:50 AM, Tess said…
au, blib ako sa tagalig natin, ang lalim, di ko maarok! anyway, ur lucky to have a mama like her, ako wala na akong lola both sides, dedo na. TC!
At July 26, 2007 12:07 AM, Dauphine said…
Haay it's like Im reading gyud sa novels ba. How sad naman. Haaay reading this it reminds me sa akong papa na namatay na. Haaay makahilak man ta oi! Buhi pa ba ni sya AU? Ayyy kalami gyud baya ihilak once I missed my papa og makasaba ko ingon ani. Basta for me I didn't spend enough time when he was still alive. Just couldn't get enough. Hahay buhay lisod jud once mawala na atong mahal sa kinabuhi. Thanks for sharing Au, it's a nice one. I can't stop running my tears down to my cheeks. Haaay kalami gyud ihilak og kusog.
Take care and God Bless!
At July 26, 2007 12:08 AM, Dauphine said…
opps I mean can't stop my tear running down.. sorry!
At July 26, 2007 8:14 PM, RoSeLLe said…
very timely naman to au.. hay kaiyak.. it reminds me of my lola too, whom i truly loved and missed so much. it was her death anniversary last july 24. if only i could see her one more time.. maybe in my next life :)
Post a Comment
<< Home